Bagaman kontrolado pa ang sitwasyon ng quarantine facilities ng mga overseas Filipino worker (OFW), aminado naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ikinukonsidera nila ito na nasa "red alert level" na.
Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac, na kasalukuyan ay tinatayang nasa 9,000 OFWs ang nasa 240 hotel quarantine facilities.
“Manageable ang sitwasyon sa ngayon although medyo red flag or red alert levels na ‘yan for us. Binabantayan natin maigi ang sitwasyon. Nakadepende ito kasi sa bilis ng pag-swab test at bilis ng paglabas ng swab test result,” ayon sa opisyal.
Ipinaliwanag ni Cacdac na kung marami ang OFWs na nasa quarantine facilities, malaki ang posibilidad na makatanggap ng mga reklamo tulad sa pagkain, gamot, at iba pang usaping pangkalusugan.
Nagdagdag na umano ang OWWA ng mga kawani para matutukan ang kalagayan ng mga naka-quarantine na OFWs.
Sinabi rin ni Cacdac na binibilisan din ng OWWA at mga ka-partner na government agencies para makuha ang resulta ng swab test upang makauwi na sa kani-kanilang lalawigan.— FRJ, GMA News