Nangako ang isang officer ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Riyadh na tutulungan ang isang OFW na humihiling ng tulong matapos halayin ng pamangkin ng kanyang amo sa Saudi Arabia.
Ayon kay OWWA Welfare Officer Raquel Kunting, sisiguruhin nilang ma-rescue ang OFW at madala sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang "Kaagapay Ako ng Bawat OFW Advocacy Group" sa Saudi recruitment agency upang matulungan si Ema (hindi tunay na pangalan) na madala sa POLO.
Nag-viral ang video ng OFW na si Ema na humihingi ng tulong upang ma-rescue mula sa kanyang pinagtatrabahuhan bilang kasambahay.
Sa panayam ng GMA News kay Ema, sinabi nitong hinalay siya ng anak ng kapatid ng kayang tunay na amo, kung saan pinagtatrabaho din siya sa bahay nito.
Aniya ang humalay sa kanya ang ay kanya mismong inaalagaan na pamangkin ng kanyang orihinal na amo.
Nagka-video umano ang pagkasok ng kanyang alaga sa kanyang kuwarto kung saan siya hinalay, pero ipinabura daw ito ng kanyang amo at sinabihan na tumahimik na lamang siya.
"Tinawagan ako ng tunay kong amo at dinala ako sa bahay niya at sinabi niyang 'i-delete mo ang video' sa pagpasok ng alaga ko sa kwarto," salaysay ni Ema.
"Ipina-delete niya ang ebidensya na yun at kinuha nila ang cellphone ko, sinigawan pa ako at dinilete po nila ang live ko na 'yun na ebidensya ko. Tapos sabi ko na ipa-medical po ako. Ayaw po nila, at sabi nila tumahimik lang daw ako," dagdag ni Ema.
Napag-alaman ng gmanews na si Ema ay nagtrabaho sa kapatid ng kanyang tunay na amo at ang anak ng kanyang kapatid ang siya mismong humalay sa kanya. Kaya agad daw siyang ibinalik sa bahay ng kanyang tunay na employer matapos ang panghahalay.
Sinubukan na raw nyang humingi ng tulong sa kanyang recuitment agency para makauwi ng Pilipinas, pero sinabihan pa daw siya na sumakay nalang ng walis at siyang bibili ng ticket niya pauwi.
"Na trauma po ako sir. Isang liinggo po akong walang kain, wala po akong magawa. Kasi po naka dalawang taon at dalawang buwan ako sa kanila ganon ang ginawa nila sa akin ginawa niya po akong baboy" naluluha na pahayag ni Ema.
Sinabi rin ni Ema na hindi nya palalagpasin ang ginawa sa kanya.
"Gusto ko po manawagan ng tutulong na mahuli po ang pamangkin ng amo ko at makulong siya para mawala na po yung tuwing natutulog ako siya ang nakikita ko. Dapat po na makulong siya ng mawala na siya sa isipan ko sir ang pambababoy na ginawa niya sa akin," dagdag ni Ema. —Ronaldo Z. Concha/LBG, GMA News