Isang grupo ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa northern Afghanistan ang humihingi pa rin ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas na ilikas sila, isang linggo matapos maagaw ng Taliban ang pamamahala sa bansang kinaroroonan nila.

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Martes, sinabi ni Alfonso Dorado, OFW sa Mazar-i-Sharif,  na mayroong contingency plan ang United Nation para sa kanilang repatriation pero walang malinaw na petsa kung kailan magaganap.

"Sa ngayon okay naman po, pero hindi kami nakakalabas. Wala naman po kaming naririnig na mga krimen sa labas, mga insidente, wala naman po," ayon kay Dorado.

Nagmistulang ghost town na umano ang Mazar-i-Sharif mula nang maagaw ng Taliban ang kapangyarihan sa Afghanistan. Pero bukas pa naman daw ang ilang tindahan at may supply pa ng pagkain.

"Marami pang puwedeng mangyari at anytime. Humihingi po kami ng tulong na kung puwede ang ahensiya ng gobyerno, kung may paraan na makuha kami rito sa Mazar, magawan po sana ng paraan," pakiusap ng isa niyang kasamang OFW.

"Gusto namin ma-repatriate rito at makauwi na sa Pilipinas. 'Yun po ang hinihintay namin at ayaw naming mangyari na magiging rescue operation na," dagdag niya.

Naagaw ng Taliban ang kontrol sa Afghanistan makalipas ng 20 taon mula nang mapatalsik sila sa kapangyarihan ng puwersa ng US at mga kaalyado nito.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes, mayroon na raw 182 Pinoy sa Afghanistan ang nailikas na.

Mayroon pa raw 27 na OFW na nananatili doon, at ang 10 ay nais maiwan dahil sa "trabaho."—FRJ, GMA News