Sampung Pilipino umano ang tumangging magpalikas at sa halip ay nais na manatili sa Afghanistan kahit kontrolado na ng Taliban ang naturang bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, "work-related" ang dahilan kaya pinili ng 10 Pinoy na manatili doon.
Mula nang maagaw ng Taliban ang pamahalaan ng Afghanistan, nasa 182 Pilipino na umano ang naialis sa nasabing bansa, at 27 pa ang nananatili doon.
Ayon sa DFA, mayroong 17 na humiling sa kanilang kompanya o sa pamahalaan ng Pilipinas na mailikas sila.
Hindi rin umano lahat ng Pilipino na nakaalis ng Afghanistan ay babalik sa Pilipinas "for various reasons," sabi pa ng DFA.
Samantala, nakauwi na umano ng Pilipinas at naka-quarantine ang limang Pinoy na nailikas sa Afghanistan sa tulong ng Indonesian military.
Inilagay ng DFA sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Afghanistan noong nakaraang linggo matapos makontrol ng Taliban ang kapitolyo nitong Kabul.--FRJ, GMA News