Aalisin na ng Pilipinas ang deployment ban ng mga OFW sa Oman, kasunod din ng pagpayag umano ng huli na luwagan na ang travel restrictions sa mga Pinoy.

Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia, nag-usap nitong Lunes ang mga opisyal ng dalawang bansa at tinalakay ang mga patakaran sa pagbiyahe ng mga Pinoy sa Oman.

Sinabi ni Olalia na ipinaliwanag ng pamahalaan ng Oman na hindi nila layunin na ipagbawal ang pagpasok ng mga OFW sa kanilang bansa.

Una rito, ipinagbawal ng Oman ang pagpasok ng mga Pinoy sa kanilang teritoryo.

Dahil sa paglilinaw, sinabi ni Olalia na aalisin na ng POEA temporary deployment ban ng mga OFW sa Oman na ipinatupad noong nakaraang linggo.

Gayunman, hindi pa masabi ni Olalia na kung kailan aalisin ang OFW ban sa Oman. Pero inaasahan niya na mangyayari ito kapag inalis na ng Oman ang entry restrictions ng mga Pinoy doon.

"Sa madaling salita po, 'pag ka po nagkaroon na ng lifting sa Oman at tayo ay nag-lift na, ora mismo makakapagpadala na tayo ng OFWs sa Oman," anang opisyal.

Ayon kay Olalia tinatayang nasa 1,000 OFWs kada buwan ang nagtutungo sa Oman mula nitong nakaraang Enero hanggang Mayo. — FRJ, GMA News