Kabilang ang tatlong Filipino staff member ng United Nations na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin ang binigyan ng pagkilala memorial service na idinaos ngayong buwan sa UN Headquarters sa New York.
Ang mga pinarangalan ay sina Joanna Abaya na nagsilbi sa United Nations Children's Fund (UNICEF), Dr. Ronald Santos ng United Nations Assistance Mission for Iraq (UNAMI), at Maria Luisa Almirol Castillo na nagsilbi sa United Nations High Commission for Refugees (UNHCR), ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Martes.
Ang pagkilala ay isinagawa noong Mayo 6 sa pangunguna ni UN Secretary General António Guterres sa memorial service na ginawa online sa UN Headquarters sa NY.
Sina Abaya, Santos at Castillo ay kabilang sa 336 UN personnel mula sa 82 UN Member States, kabilang ang mga sibilyan, military at police, na nasawi habang nagsisilbi bilang peace keeper o COVID-19 related circumstances noong nakaraang taon.
Ang naturang bilang ng mga nasawi ang pinakamataas sa kasaysayan ng UN, ayon kay Guterres.
Isa-isang binanggit ang kanilang mga pangalan sa online memorial service.
“Those dear colleagues were a reflection of the diversity and richness of experience of the United Nations,” dagdag niya.
“Our fallen colleagues will be more than ever united in our hearts and we offer our love and prayers to their families and friends,” ayon kay UN Under-Secretary General Atul Khare ng UN Department of Operational Support.
Binigyan din ng pagkilala ni Permanent Representative of the Philippine Mission to the United Nations Ambassador Enrique Manalo ang tatlong Filipino UN staff members sa kanilang ginawang paglilingkod.
“The Philippines is grateful for the remarkable work of these Filipinos in the United Nations and for their sacrifices. Their legacy and dedication will serve as an inspiration for all of us,” anang opisyal. —FRJ, GMA News