Isa pang overseas Filipino worker (OFW) na nabakunahan na ng COVID-19 vaccine ang nagpositibo pa rin sa virus nang bumalik sa Pilipinas mula sa Canada.

Sa uat ni John Kim Bote ng Super Radyo Cebu sa Dobol B sa News TV nitong Biyernes, sinabing dumating sa Cebu ang 25-anyos na babaeng OFW mula sa Canada, batay sa inilabas na ulat ni Dr. Mary Jean Loreche ng Department of Health Central Visayas.

Ayon kay Loreche,  ang bakuna ng Pfizer ang ibinigay sa OFW noong Enero 13,  at dumating siya sa Cebu noong Pebrero 9.

Isinailalim ang OFW sa quarantine protocols at kinuhanan ng swab noong Pebrero 14.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na may OFW na nagpositibo sa COVID-19 kahit nabakunahan na.

Ang una ay isang OFW na mula sa United Arab Emirates na umuwi sa Pilipinas noong Enero 25.

Ayon kay Loreche, wala pang patunay na kayang pigilan ng COVID-19 vaccines ang pagkakahawa sa virus. Gayunman, nakatutulong ang bakuna para makaiwas umano ang tao sa matinding sakit na epekto ng COVID-19.

“Sa mga datos ng mga bakuna natin… it can prevent severe disease, it can prevent clinical disease. Pero to prevent transmission, hindi po clear cut ‘yan kaya hindi po natin masasabi na ikaw, kung nabakunahan ka, hindi ka na makakahawa,” paliwanag niya sa Dobol B sa News TV nitong Huwebes. —FRJ, GMA News