Isang Filipina domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia ang halos tatlong linggo na raw hindi nakakausap ng kaniyang mister na nasa Pilipinas. Nang huli niya raw nakausap ang asawa, nagsumbong ito ng mga problema sa kaniyang amo.

Kinilala ang OFW na si Bernadeth Navarro, na huli raw nakausap ng kaniyang mister na si Josue noong Nobyembre 27, 2020.

Ayon kay Josue, nabanggit sa kaniyang ng asawa na delayed na ang sahod nito ay hindi na rin pinapakain nang tama ng kaniyang amo.

Mula noon, hindi na raw nakausap ni Josue ang asawa kahit sa pamamagitan ng text message.

"Sabi ng kasama, pinahuli na siya ng amo, pinakulong. Blinock ako ng kasama niya kasi baka raw masabit pa raw doon siya," sabi ni Josue sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo.

"Sa akin lang, baka kinulong lang 'yun sa bahay nila tapos hindi pinakain," ayon kay Josue na nagsabing nasa amo pa ang passport ng kaniyang misis.

Ayon sa ulat, hindi nagbigay ng tulong kay Bernadeth ang kaniyang agency dahil natapos na raw ang kontrata nito.

Dumulog na ang pamilya ng OFW sa Overseas Workers Welfare Association (OWWA) sa Davao, at ipinaalam na rin ng GMA News kay OWWA administrator Hans Leo Cacdac ang usapin.

Nangako naman ang opisyal na aalamin nila ang kalagayan ng OFW, gayundin si Labor Attaché Nasser S. Mustafa.— FRJ, GMA News