Inalis na ng Kingdom of Bahrain ang kanilang temporary suspension sa pagtanggap ng manggagawang Filipino, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, na tanging ang mga household service workers na manggagaling lang sa Pilipinas ang nais tanggapin ng Bahrain.
"Kaya lang naman hindi nakabalik nung araw o kaya ay hindi tayo nakapag-deploy kasi nga mayroon silang policy noon na bina-ban nila ang mga household service workers from other countries," ayon sa kalihim.
Dahil dito, mag-iisyu na raw ng visa ang Bahrain para sa mga manggagawang Pinoy.
Puwede na umanong bumalik sa Bahrain ang mga balik-manggagawa o mayroon nang kontrata sa Bahrain at OEC [overseas employment contract].
Pero ang mga bagong maha-hire, sinabi ni Bernard Olalia, POEA administrator, na kailangan dumaan sa proseso at kompletuhin ang kanilang mga dokumento bago sila papayagang makaalis.
Ang mga local recruiter sa Pilipinas, kailangan na umanong makipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa Bahrain para alamin ang mga itinatakdang safety at health protocols.
Kumpara sa ibang bansa sa Gitnang Silangan, sinabi ng POEA na mas mababa ang kaso ng COVID-19 sa Bahrain.
Sa isang ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi umano ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Bahrain, na nagbabala ang Labor Market Regulatory Authority ng Bahrain, sa kanilang mga kababayan na huwag makikipagtransaksiyon sa hindi lisensiyadong ahensiya para kumuha ng kasambahay matiyak na walang COVID-19 ang taong bibigyan nila ng trabaho.
Noong 2019, umabot umano sa 18,663 ang mga OFW na naipadala sa Bahrain.--FRJ, GMA News