Kahit may mga agam-agam sa kaligtasan ng nabuong anti-COVID-19 vaccine ng Russia na Sputnik V, nagpahayag ang ilang overseas Filipino workers ng kahandaan na makibahagi sa clinical trials ng gamot.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing isa si Nico Castor, sa mga handang sumubok sa bakuna ng Russia.
“Sa kaba po, siguro mayroon pero mas higit po ‘yong excitement siguro. Nananalangin po ako na sana ito’y epektibo,” saad ni Castor na 11 taon nang nagtatrabaho sa Russia at lider ng Filipino association doon.
Pinulsohan din daw niya ang pananaw ng mga Pinoy doon tungkol sa bakuna at mas marami raw ang nagtitiwala na magiging mabisa ang Sputnik V.
“Sabi taon bago madiskubre ang bakuna sa isang sakit pero alam naman ho natin na isa ang Russia sa pinakamagaling, dalubhasa pagdating sa pagdiskubre ng bakuna para sa malalang sakit,” dagdag niya.
Naniniwala rin si Aimee Espiritu sa bisa ng Sputnik V, at handa ring subukan ang bakuna.
“Ang Russia ay napakalaking bansa at may kakayahang silang magsaliksik upang makaimbento o makagawa ng solusyon sa lumalaganap na coronavirus," saad ni Espiritu na 13 taon na sa Russia.
"Willing akong sumailalim sa trial kung kinakailangan,” dagdag pa niya.
Una rito, nagpahayag ang Malacañang na handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa Russia sa paglaban sa COVID-19 pandemic. --FRJ, GMA News