Labis na nabigla at hindi makapaniwala ang mga kaanak ng isa sa mga OFW na nasawi sa pagsabog sa Beirut, Lebanon nang ipaalam sa kanila ang malungkot na balita. Ilang oras lang kasi bago maganap ang trahediya, tumawag pa ang OFW sa kaniyang mister sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing isa ang 39-anyos na si Perlita Mendoza, tubong Lidlidda, Ilocos Sur, sa mga nasawing Pilipino sa trahediya sa Lebanon na kumitil sa mahigit 100 katao--kabilang ang apat na Filipino.
Hindi pa rin makapaniwala si Giovanni Mendoza na wala na ang kaniyang maybahay.
"Noong tumawag ang DFA-Manila [Department of Foreign Affairs], hindi ako agad naniwala. Hindi ko maipaliwanag naramdaman ko. Iniyak ko na lang," sabi ng Giovanni.
Nakausap pa raw ni Giovanni si Perlita sa telepono ilang oras bago ang pagsabog.
Magpapadala raw sana si Perlita ng mga pangangailangan para sa kanilang pamilya.
"Ang sabi nila kanina, tinamaan siya ng salamin na kaniyang ikinamatay. Masakit para sa akin na sa ganu'n paraan siya mamamatay," sabi ng asawa ng biktima.
Nasabay ng pagpanaw ni Perlita ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng kanilang limang-taong-gulang na bunso, na pumanaw sa sakit noong nakaraang taon.
Sa nakaraang ulat, sinabing isa pa sa mga OFW na nasawi sa pagsabog ay si Ardel Maglangit, na nakatakda na sanang umuwi sa bansa ngayong taon.
Nadaganan umano ng mga nabasag na salamin sa bahay ng kaniyang amo si Maglangit.
Labis din ang pagdadalamhati ng kaniyang anak na nananabik na sa pagdating sana ng kaniyang ina.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), makakatanggap ng tulong pinansiyal ang naiwang pamilya ni Mendoza. at bibigyan din ng scholarship ang kaniyang anak at livelihood assistance sa kaniyang asawa.
Sinabi naman ng OWWA na maaaring maantala ang pagpapauwi sa mga labi ni Mendoza dahil sa pandemya.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Lebanon, sinasabing nagmula ang pagsabog sa 2,770 tonelada ng ammonium nitrate na anim na taon nang nakaimbak sa warehouse sa pantalan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News