Isa namang overseas Filipino worker sa Kuwait ang nagpapasaklolo para makauwi na sa bansa dahil sa nararanasang umanong pananakit at panghihipo ng kaniyang amo.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nalaman ang mapait na nararanasan umano ngayon sa Kuwait ng 24-anyos na si Marjorie Lizada, sa pamamagitan ng kaniyang pinsan.
"Pinukpok ng alaga niya, alaga ng anak ng amo niya. Ngayon sabi niya, 'te gusto ko nang umalis kasi hinipuan ako ng anak pa ng amo ko,'" kuwento ni Juliet Magtanan, pinsan ni Lizada.
Lalo pa raw nadagdagan ang takot ng kaniyang pinsan nang sabihan daw ito ng amo na papatayin siya.
"Sinasabihan ko siya na takas na siya 'pag may chance siya. Sabi niya, 'wala talaga, 'te dahil lahat ng pinto dito naka-lock,'" kuwento pa ng pinsan.
Napag-alaman na Oktubre 2016 nang umalis ng Pilipinas si Lizada papuntang Kuwait para mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.
Pero unang anim na buwan pa lang daw doon ang OFW ay nakaranasan na ng pagmamalupit sa kaniyang amo.
Ang ina ni Lizada, hindi na raw makakain at makapagtrabaho kakaisip sa kalagayan ng anak.
Ayon kay Overswas Worker Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, nakikipagtulungan na sila sa kanilang welfare officer sa Kuwait para masagip si Lizada. -- FRJ, GMA News