Arestado ang dalawang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. San Martin de Porres Quezon City.
Mula pa sa Pampanga at dumayo sa Cubao ang target ng operasyon, isang 24-anyos na babae habang kasabwat umano niya ang 22-anyos na lalaking kapitbahay.
Nasabat sa kanila ang 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P1.3 milyon.
Itinago pa ang droga sa lagyanan ng cookies.
“Ang area po ng operation nila is doon sa pinanggalingan nilang lugar kung saan sila talagang nakatira sa Angeles, Pampanga. We can consider this na dito rin sila nag-ooperate yung mga binebentahan nila dito rin,” ani Police Major Alexander Tenorio, ang deputy station commander ng Cubao Police.
Itinuturing daw ng pulisya na high value target ang mga suspek.
Inaalam pa ang source ng droga na nanggagaling pa sa Cavite.
Ayon sa babaeng suspek, ipinakisuyo lang sa kanya na ideliver ang item kapalit ng P20,000.
“Pinag-utusan po ako na padala po tapos ipasa ko po. Dahil po gawa ng may malaking utang po na kailangan bayaran,” sabi ng babaeng suspek.
Giit naman ng lalaking suspek, wala siyang kinalaman sa transaksyon: “Sabi niya samahan ko lang daw siya kasi wala siyang kasama. Wala naman po ako alam sir na ganyan yung transaksyon niya.”
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — BAP, GMA Integrated News