Isang bangkay ng babae ang nadiskubreng isinilid sa sako at itinapon sa gilid ng kalsada ng isang pedicab driver sa Las Piñas City. Ang pedicab driver, arestado.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend, sinabing nangyari ang insidente pasado 1 a.m. nitong Sabado, kung saan mapapanood sa CCTV ang pagdaan ng isang pedicab sa Barangay Manuyo Dos sa naturang lungsod.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang may hinulog na sako ang pedicab sa gilid ng kalsada.
Pasado 7 a.m. nang madiskubre ng mga awtoridad na babaeng tinatayang lampas 30-anyos ang edad ang laman ng sako.
"Black and blue 'yung babae. 'Yung mukha niya although nakikilala, pero halos magang magang maga at talagang violet ang dating, na mukhang pinagpapalo siya sa mukha at saka sa ulo na maaaring naging sanhi ng kaniyang pagkamatay," sabi ni Las Piñas City Police chief Police Colonel Jaime Santos.
Gamit ang CCTV, nakilala ng mga imbestigador ang driver ng pedicab na si Mark Anthony Rajel, na dinakip sa kaniyang bahay ilang oras matapos makita ang bangkay ng biktima.
"Ang akala ko kasi basura lang, kasi may penalty 'yun... 'pag nagtapon ng basura kung saan-saan. Eh madaling araw, alam kong tapunan ng ano 'yun... hindi [ko alam na tao.]. Sabi 'Mark, tao 'yan, babae yan.' Akala ko biro niya lang," sabi ni Rajel.
Patuloy ang isinasagawang manhunt operation para sa isa pang suspek na live-in partner umano ng biktima na kinilala ng pulisya na si Albert Mendoza. — Jamil Santos/VBL, GMA News