Matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang linggo ang pagkadismaya niya sa patuloy na katiwalian umano sa Department of Public Works and Highways (DPHW), nilinaw naman ngayon ng Punong Ehekutibo na hindi kasama sa pinatutungkulan niyang tiwali ang kalihim ng kagawaran na si Mark Villar.
Sa kaniyang televised address nitong Lunes, sinabi ni Duterte na ang mga opisyal sa "ibaba" ng ahensiya ang sangkot umano sa katiwalian.
“Si Villar, mayaman. Maraming pera. Hindi niya kailangang mangurakot. Ang problema, sa baba. Malakas pa rin hanggang ngayon. Sa mga projects sa baba, ‘yon ang laro diyan,” ayon sa pangulo.
Dahil sa umano'y katiwalian sa DPWH, dati nang sinabi ng pangulo na nais niyang maging bukas sa publiko ang bidding ng mga proyekto.
Nauna nang sinabi ni Villar na patuloy ang ginagawa niyang programa para malinis ang kagawaran sa katiwalian.
Sinabi naman kamakailan ni presidential spokesperson Harry Roque na patuloy na nagtitiwala si Duterte kay Villar kahit nananatili ang problema ng korupsiyon sa DPWH.
“Full trust and confidence po [ang Presidente] kay Secretary Villar dahil despite the corruption in DPWH, naka-deliver po si Secretary Villar,” ani Roque sa isang news conference.
Binanggit din ni Roque ang background ni Villar bilang anak ng property tycoon at dating Senate president na si Manny Villar, na itinuturing pinakamayaman ngayon sa Pilipinas na may tinatayang ari-arian na umaabot sa $5 bilyon.--FRJ, GMA News