Dahil umano sa agawan sa lupa, ikinulong sa bahay ng sariling mga kamag-anak ang isang mag-ina ng mahigit isang buwan, at pinabantayan sa mga armadong guwardiya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang pagpasok ng NBI-NCR sa isang kuwarto matapos na madisarmahan ang mga armadong guwardiya.
Nanginginig sa takot at trauma nang makalabas ang mag-ina, samantalang iba't ibang mga baril naman ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Tiyuhin at pinsan ng biktima ang sinasabing nagkulong sa mag-ina, na menor de edad ang anak.
Ayon sa NBI, isinailalim sa illegal detention ang mag-ina magmula pa noong Hulyo 10, at hindi sila pinalalabas sa kanilang bahay na nasa loob ng isang compound hangga't hindi pumipirma sa dokumento ang ama ng biktima.
"Dumating sila rito ng July 10, handed by security guards na may mga dalang armas at sadyang pinadlock 'yung gate," sabi ni Agent Jimmy De Leon, agent on case, NBI-NCR.
"Noong isang araw na siya'y sumubok makalabas na dahil gusto niya ring umalis doon, sadya siyang pinigilan at hindi siya pinalabas talaga. May mga pagkakataong gabi kinakalampag 'yung kanilang tinutuluyan doon, pinuputulan pa raw sila ng linya ng tubig kaya natatakot na sila," patuloy nito.
Itinanggi naman ng suspek na si Amador Domingo na ikinulong nila ang kanilang kamag-anak at iginiit na magkakaanak ang nakatira sa compound.
"Wala ho kaming dine-detain, asan ho 'yung dinetain? Wala po, dahil po lahat ng nandito is kamag-anak namin at saka hindi ho kami nagde-detain, hindi ho kami ganoon," paliwanag niya.
Ayon kay Atty. Cesar Bacani, Regional Director ng NBI-NCR, sasampahan nila ng serious illegal detention ang mga suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News