Mga nakaaantig na istorya ng COVID-19 survivors ang itinampok sa "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga nitong Sabado, kung saan ikinuwento nila kung paano nila napagtagumpayan ang sakit.
Si "24 Oras Weekend" anchor Pia Arcangel ang guest player para sa mas pinabagong segment na ginagamitan ngayon ng body shields ng mga tao na pagpipilian.
Naging home partner ni Pia si Marlon Aranduque ng Pampanga.
Si Daca, limang araw pa lang ang nakalilipas nang ideklarang COVID-19 free. Sampu raw sila sa pamilya na ipinasok sa isolation dahil sa COVID-19.
Hindi raw kinaya ng lolo ni Daca ang sakit, na yumao noong Mayo 7.
"Ako po 'yung nag-alaga kasi sa kaniya sa ospital, sa bahay hanggang sa ospital ako 'yung kasama niya. Hindi po namin alam eh pero may mga sintomas po kasi siya, nilalagnat po siya, pabalik-balik 'yung lagnat niya," sabi ni Daca.
Si Jewel naman, na isang frontliner bilang city government worker, maaaring nakuha ang COVID-19 sa kaniyang online selling.
"Natakot po ako kasi baka mahawa ko 'yung family ko. Pero hindi ko po pinakita sa kanila na mahina po ako para kahit sila, lakasan din ng loob... Pati 'yung mga baby sa amin, sinwab test po," sabi ni Jewel.
Dahil sa paglaban ni Jewel sa COVID-19 sa tulong na rin ng medical frontliners na nag-asikaso sa kaniya sa ospital, naalis niya na rin ang bisyo niya na paninigarilyo.
May hinala naman si Darwin na nakuha niya ang COVID-19 sa pagpunta siya sa supermarket. Na-confine siya sa ospital ng 48 araw.
"Nananalangin ako na sana huwag positive. Kasi alam ko po ang consequence 'pag positive 'yon, talagang maho-hospital ako tapos wala namang puwedeng magbantay sa akin kasi may dalawang maliit kaming bata... It came to me as a real shock," sabi ni Darwin na laking pasasalamat na hindi nahawaan ang ina at mga anak.
Naging mahirap din para sa barangay chairman na si Jonar ang sitwasyon dahil nagtotal lockdown ang kaniyang barangay nang ma-ospital siya. Na-PUM naman ang kaniyang mga tauhan.
Gayunman, pinili pa rin niyang tutukan ang kaniyang barangay sa ospital sa pamamagitan ng CCTV.
"Nilakasan ko pa rin ang loob ko na kaya ko ito kasi kailangan pa rin ako ng mga anak ko tsaka ng barangay ko," sabi ni Jonar, na nagkaroon ng pneumonia at may kaunting dugo sa kaniyang ubo.
"Sa isip ko, kung talagang oras mo na, oras mo na. Kaya lang talagang nilakasan ko ang loob ko para sa pamilya ko at sa barangay ko," ayon pa kay Jonar.
Ang breastfeeding mom na si Suzi, na-isolate sa mga anak habang nasa abroad pa ang mister.
Sa awa ng Diyos, hindi naman nahawa ang kaniyang mga anak.
"Mahirap kasi siyempre wala 'yung partner mo in life, malayo siya. Mahirap din sa kaniya 'yon dahil wala siyang magawa eh, lockdown na sa lahat ng bansa so hindi na siya puwedeng umuwi. So sabi ko 'pag namatay ako, hindi na niya ako makikita," sabi ni Suzi.
"'Yun po 'yung pinaka-number 1 na iniisip ko, na kung papayagan ba ng Panginoon na mawalan ng nanay 'yung mga anak ko. Pero sa awa po Niya, napakabuti Niya sa akin, binigyan Niya po ako ng pagkakataon na gumaling at makasama po ulit 'yung mga anak ko," sabi ni Suzi.
— Jamil Santos/DVM, GMA News