Nakatakda nang mapanood sa susunod na linggo si Dennis Trillo bilang si Colonel Yuta Saitoh, na siyang pinakamabagsik na kalaban at magpapahirap sa mga bida ng "Pulang Araw."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ito ang kauna-unahang major kontrabida role ni Dennis na magdudulot ng pasakit sa mga bidang sina Adelina, Teresita, Hiroshi at Eduardo, na ginagampanan nina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco at Alden Richards.

Ayon kay Dennis, may translator at historian sa set para mas maging angkop ang kaniyang pagni-Nihonggo.

Nauna nang iniulat na ang karakter ni Dennis ang magiging kalaban ng karakter ni Alden sa hit GMA Prime series.

“Matagal ko na rin hinihintay itong ganitong klaseng project, ganitong kabigat na character ngayon naman as a kontrabida," sabi ni Dennis.

Sinabi ni Dennis na excited siyang maka-eksena si Alden na hindi pa niya nakakatrabaho sa isang drama project.

“Excited akong magkaroon kami ng eksena ni Alden, syempre, siya 'yung hindi ko pa talaga nakaka-eksena sa mga ganitong drama, ganun. Nakatrabaho ko siya sa mga variety shows, pero, ayun excited ako doon, paghahandaan ko ang eksena na 'yon,” sabi ni Dennis. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News