Pasabog at naging makasaysayan ang debut ng “It’s Showtime” sa Kapuso Network nitong Sabado. Ang hosts, nakipagkulitan din kasama ang ilang Sparkle Stars.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend, mapapanood ang ilan sa performances ng hosts nito, gaya ni Anne Curtis na pinatunayan ang kaniyang pagiging diyosa sa kaniyang powerful na birit.
Energetic din sa kaniyang performance si Karylle, na ipinamalas ang kaniyang rap, flexibility at dancing skills.
Buwis-buhay naman si Kim Chiu sa kaniyang pagbitin, bago niya sinundan ng isang hiwalay na dance number sa stage.
Elegant at energetic sina Amy Perez, Jackie Gonzaga at Cianne Dominguez sa kanila ring dance number, samantalang kinanta naman nina Jugs Jugueta at Teddy Corpuz ang “Let Me Entertain You” ni Robbie Williams.
Good vibes ang hatid nina MC, Lassy, Ryan Bang at Ion Perez sa kanilang dance moves, habang ipinakita nina Ogie Alcasid at Darren Espanto ang kanilang singing prowess sa kanilang song number.
Pinatunayan naman nina Jhong Hilario at Vhong Navarro ang kanilang pagiging dance kings sa kanilang breakdance at backflips, at pagsabay sa mga energetic na beat.
Ngunit si Vice Ganda ang naghatid ng grandest at pinaka-“unkabogable” na surprise.
Nag-perform si Vice ng kaniyang song number habang nakaupo sa heart sa tuktok ng GMA Network Center.
Ipinakita ng ABS-CBN bosses ang kanilang full-support sa studio.
Nakisaya rin ang ilang Kapuso at Sparkle stars, kabilang sina Jillian Ward at Sanya Lopez
“Sino pong makakapag-akala na ang It’s Showtime na pupunta po dito sa GMA? At nakakatuwa kasi puwede na po mag-collaborate talaga ang GMA and ang ABS. Isang pamilya na po talaga tayo. No more network war,” sabi ni Jillian.
“Nakakatuwa na maging part ka ng isang ganitong klaseng show na talagang makakapagpasaya sa ibang tao,” sabi ni Sanya.
Si Miss Universe Philippines 2023 at Sparkle artist Michelle Dee naman ang searching sa Especially For You.
Sabay-sabay na pinanood ng Madlang Kapuso sa Inares Center sa Antipolo, Rizal ang umpisa ng historical shift sa Philippine noontime television.
Bukod sa GMA-7, mapapanood rin ang It’s Showtime sa GTV at GMA Pinoy TV.
“Ang promise lang natin sa manonood talaga e bigyan sila ng isang programang magpapatawa sa kanila sa tanghali. Manglilibang sa kanila at magbibigay sila sa kanila ng pagkakataon na makatakas kahit sandali lang sa lahat ng bigat, ng mga pinagdadaanan. Diba? Para hinga lang. Gawin niyo po kaming pahinga ninyo kahit ilang oras lamang sa araw-araw,” sabi ni Vice. — VBL, GMA Integrated News