Inihayag ni Jessy Mendiola na mas minamahal pa niya ngayon ang kaniyang asawang si Luis Manzano matapos niyang makita ang pagiging responsableng padre de pamilya nito sa kanila ni Isabella Rose o Baby Peanut.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, binalikan ni Jessy ang ikalawang kasal nila ni Luis, na isang intimate church wedding na ginanap sa Palawan noong Pebrero.

'Siyempre 'yung difference meron na kaming si Rosy, si Peanut, sabi ko, 'Naku! little bride siya. Dapat naka-gown din siya, naka-white dress din siya. Hindi lang ako ang naka-white, siya rin,'" tugon ni Jessy tungkol sa pinagkaiba ng kanilang kasal ngayong taon, sa unang kasal nila noong 2021 na civil.

Ayon kay Jessy, pangako rin nila sa isa't isa at sa Panginoon ang ikalawa nilang kasal.

"Promise rin namin 'yan sa isa't isa, na ikakasal kami sa harap ng Diyos. Sabi ko sa kaniya, 'Tayong dalawa na lang, okay lang naman eh. At this point, masaya na ako kahit tayong dalawa na lang, sa harap ng Diyos, okay na ako," kuwento ng aktres.

"Two reasons. One is kay Lord. Pangalawa, gusto namin makasama ang family ko," pagpapatuloy niya.

Noong kasal nila ni Luis sa Lipa noong 2021, hindi nakasama ang pamilya ni Jessy dahil na rin sa pandemya.

"So para talagang naisip namin na okay, better if gawin na natin ito with our families. Para rin our two families could bond and finally meet, kasi ang tagal ding hindi nakauwi ng dad ko eh."

Kinumusta ni Tito Boy kay Jessy si Luis ngayon.

"Okay Tito Boy, sobrang happy siya." sabi niya. "Now, I get to see him as a father. Talagang sabi ko, grabe, iba talaga 'yung growth ng isang person."

Dalawang taon na silang kasal ni Luis nang isilang niya si Peanut.

"Nakita ko na rin siya as a husband. Pero ito talagang season niya ngayon as a father, mas lalo akong nai-in love sa kaniya. Kasi ito 'yung una mo siyang makikita na hindi 'yung kayong dalawa lang 'yung iniisip niya eh, meron na siyang isa pang iniisip na sobrang importanteng bagay sa kaniya. Para sa akin, grabe lang din talaga ang happiness niya, grabe ang growth niya, makikita mo na kuntento siya," sabi ni Jessy.

 

 

--FRJ, GMA Integrated News