Inilahad ni Janice de Belen na nakaranas na siya ng maraming heartbreak sa buhay para muling sumubok pa sa pag-ibig. Inilahad din ng aktres, kung sino ang mga lalaki na importante sa buhay niya ngayon.
“Are you too broken to fall in love again?” tanong ni Tito Boy kay Janice sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
“I have really never thought of that, ‘yung broken. But now that you have brought it up, I think I’ve been broken enough,” tugon ng beteranang aktres.
Nang tanungin tungkol sa kaniyang pananaw sa pag-ibig, sinabi niyang wala na siyang iba pang malalim pa na pagtingin dito.
"'Pag type ko sila, type nila ‘ko, eh 'di siyempre, ‘di ba? Ang saya, ‘di ba?,” natatawang pahayag ng aktres.
Iba raw ito noong ikasal siya.
"Siyempre, nu’ng nag-asawa ako, it was different kasi feeling mo, 'yun na 'yung true love mo, ‘yun na ‘yung forever mo," saad niya.
"And then, when it fails, then you try again, and then it fails. And OK, maybe I should stop doing this. Kasi fail ka nang fail eh. Baka hindi 'yan para sa'yo," pagpapatuloy ni Janice.
Ayon kay Janice, nauunawaan niya ang mga nakikisimpatiya sa kaniya sa tuwing nakararanas siya ng heartbreak. Gayunman, bawat tao ay may kaniya-kaniyang karanasan.
“Alam ko naman that everybody who wants to say na, ‘No, don’t be broken’ means well. But this is my story. This is how I felt, and I’m done with that,” saad niya.
Inilahad din ni Janice na nakapagpatawad na siya.
“Because I will not get to this stage in my life kung hindi ako natutong magpatawad. And I think that was the first thing that I wanted to do, was forgive. But forget is another story,” sabi niya.
May isang anak si Janice kay Aga Muhlach na si Luigi.
Ikinasal si Janice kay John Estada noong 1992 at may apat silang anak na sina Inah, Moira, Kaila, and Yuan.
Nagkahiwalay sila at napawalang-bisa ang kanilang kasal noong 2004.
Sa ngayon, ang mga importanteng lalaki na lamang sa buhay ni Janice ay ang kaniyang ama, mga anak niyang lalaki, at apo niyang lalaki.
“Minsan-minsan, ‘yung mga k-drama, ‘yun sila, oo. Minsan importante sila sa’kin pero ‘yun na lang,” biro pa niya.-- FRJ, GMA Integrated News