Kinagiliwan at pinusuan ng fans ang tila throwback Thursday na reunion ng original Pinoy girl group na Sexbomb.

Sa kaniyang Instagram, na makikita rin sa Unang Balita nitong Huwebes, ibinahagi ni Rochelle Pangilinan ang get-together photos nila ng kapwa niya Sexbomb dancers.

 

 

"Ang saya lang makita at makasama kayong muli. Dati sabay kumain,maligo at matulog. Ngayon may kanya kanya [nang] buhay," caption ni Rochelle.

"Sarap ng kwentuhan at tawanan kagabi. Ulitin natin to![heart emoji]" pagpapatuloy pa niya.

Kahit 20 taon na mula nang mabuo ang iconic dance group na Sexbomb Girls, hindi pa rin nalilimutan ng mga tao ang kanilang pangalan at maging ang kanilang tugtugin.

Nito ring 2023, nagkasama-sama ang original members ng Sexbomb matapos silang kunin sa commercial ng isang streaming giant. Ginamit sa naturang commercial ang awitin, at ang markado nilang sayaw na "Spaghetti [pataas-pababa]."

Pero bukod sa naturang commercial, inanunsyo rin ng grupo ang kanilang US tour ngayong taon.

Taong 1999 nang mabuo ang Sexbomb dancer para sa segment na "Laban o Bawi" ng programang "Eat Bulaga." Mula sa pagsasayaw, pinasok din ng grupo ang pag-arte sa telebisyon sa pamamagitan ng "Daisy Siete."-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News