Itinuturing best "gift" ever ni Betong Sumaya ang "regalo" sa kaniya ni Maricel Soriano nang mag-guest ang huli sa "Eat Bulaga."

Nitong Martes, ipinagdiwang ni Betong ang kaniyang kaarawan sa Eat Bulaga. Masaya ang komedyante dahil first time daw niyang makapag-celebrate ng kaarawan on national television.

Kinabukasan, guest sa Eat Bulaga si Maricel kasama si Roderick Paulate para i-promote ang kanilang pelikulang "In His Mother's Eyes."

Hiniling ng host na si Paolo Contis kay Maricel na maipagkaloob kay Betong ang matagal na raw nitong wish na masampal ng Diamond Star.

“Maraming beses na pong nasampal si Betong ng iba't ibang artista pero sabi niya si Inay Maria never pa. Dream po niya 'yon," sabi ni Paolo sa aktres, sabay sa pagtawag kay Betong.

Tinanong naman muna ni Maricel si Betong, "Gusto mo ba talaga? Sigurado ka?”

Sabi naman ni Betong, “Isang karangalan po ito Inay Maricel.”

Nang sabihin ni Paolo kung ano kunwari ang eksena o dahilan para sampalin ni Maricel si Betong, agad na dumapo ang kamay ng aktres sa mukha ng komedyante.

Biro ni Betong sa audience matapos siyang masampal, “Parang ang dami n'yo? Parang dumami kayo?”

Sumisenyas naman ang mga tao sa studio na isa pa!

Matapos nito, ipinaalam ni Paolo kay Maricel ang birthday ni Betong noong Martes kaya niyakap ng aktres ang komedyante.

“Isang napakagandang regalo po ito. Thank you po,” sabi ni Betong kay Maricel.

Sa sitcom na "Bubble Gang," may karakter si Betong na si "Antonietta" na nasampal na ng mga batikang aktres tulad nina Cherie Gil, Celia Rodriguez, Eula Valdes, Gladys Reyes, at iba pa.-- FRJ, GMA Integrated News