Itinodo nina Barbie Forteza at David Licauco ang pakilig sa team BarDa sa wedding scene at may kasama pang kiss sa happy ending nina Monique at Carding sa kanilang Kapuso primetime series na "Maging Sino Ka Man."

May halong lungkot ang naturang finale episode dahil sa pagpanaw ng ina ni Monique na si Belinda (Jean Garcia) na binaril ni Gilbert (Juancho Triviño).

Kulong naman ang inabot ni Gilbert na hindi magiging masaya ang buhay sa piling ng mga kapuwa niya bilanggo.

Sa pagpanaw ng kaniyang ina, idinonate ni Monique ang mga mata ni Belinda sa isang batang babae. Bilang pasasalamat, sinorpresa ng batang babae si Monique sa tulong ni Carding.

Matapos ang maraming pagsubok sa kanilang dalawa, naging happy ang kanilang ending nang tanggapin ni Monique ang alok na kasal ni Carding.

Sa kanilang wedding vows, nangako ang dalawa nang walang hanggang pagmamahal.

“Promise ko sayo, araw-araw, oras-oras, minu-minuto, mamahalin kita,” sabi ni Monique.

“Magkasabay tayong lalakbay sa hindi tumitigil na daan ng ating pagmamahalan. Mahal na mahal kita, Monique Macario,” pangako naman ni Carding na sinelyuhan pa niya ng halik.

Bagaman tapos na ang "Maging Sino Ka Man," makakaasa pa rin ang Team BarDa ng mga proyektong magkasama ang dalawa.—FRJ, GMA Integrated News