Nakapasok sa Billboard charts ang latest single ni Ez Mil na "Realest" na collaboration nila ni Eminem.

Ito ang unang pagkakataon na nakasama si Ez Mil sa Billboard charts.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing no.3 ang "Realest" sa linggong ito ng Rap and R&B Digital Sales Chart.

Pang-10 naman ang awitin niya sa All Genre Digital Sales Chart, na may mahigit 4,000 downloads.

Inanunsyo kamakailan ang pagpirma ni Ez Mil ng kontrata sa music labels nina Eminem at Dr. Dre na Shady Records, Aftermath Entertainment, at Interscope Records.

Nito lang buwan nang ilabas niya ang kaniyang bagong album na “DU4LI7Y: REDUX.”

Isinilang si Ez Mil, o Ezekiel Miller, sa Olongapo at nakabase ngayon sa Las Vegas, Nevada.

Noong 2021, pumatok at naging viral ang awitin niyang hit, “Panalo (Trap Carinosa).” —FRJ, GMA Integrated News