Sa pagsalang ni "Eat Bulaga" host Isko Moreno sa 'Not Gonna Lie' segment ng "Dapat Alam Mo!," tinanong si Yorme kung nasasaktan ba siya sa mga basher o pumupuna sa kaniya.

Sumagot si Isko ng "No," na kinumpirma naman sa lie detector na "true" ang lumabas.

"Manhid na eh," natatawang dugtong ni Isko.

Ayon kay Isko, hindi rin naman masisisi ang mga viewer na nasanay na sa dati nilang pinapanood.

"Kaya ang kailangang makita ng mga televiewer sa bagong 'Eat Bulaga,' yung mga bagong puwedeng maging magdulot ng kasiyahan at saka yung tulong," paliwanag niya.

Dagdag pa ng dating alkalde ng Maynila, mas nakatuon na ngayon ang bagong "Eat Bulaga" sa televiewers hindi na sa mga host.

Samantala, natatawang nag-Yes! si Isko nang tanungin kung isa siyang "takuza" o "takot sa asawa" dahil isang taekwondo champion ang kaniyang asawa na si Dynee.

Lumabas naman na "true" ang sagot niya sa lie detector.

Pero paglilinaw ni Isko, ang pagiging "takuza" niya ay bilang respeto sa kaniyang maybahay.

"Love begets love, respect begets respect," anang dating alkalde.

Ibinahagi naman ni Kuya Kim Atienza na host ng programa, na ang kapatid niya na isa ring blackbelter  at ka-miyembro ng taekwondo national team, ang naging daan para magkakilala sina Dynee at Isko. --FRJ, GMA Integrated News