Inilahad ni Alden Richards na hindi niya muna sinusubukang maghanap ngayon ng lovelife sa pag-asa na kusa itong darating.

“Dumaan po kasi ako sa stage na naghahanap. And I think during those times na naghahanap ka, doon madalas ‘yung hindi. So I-try nating huwag, baka may dumating,” sabi ni Alden sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Kasabay nito, inilahad niya rin ang dahilan kaya pinili niyang gawing pribado ang kaniyang buhay pag-ibig.

“‘Yun na lang ang puwede kong i-protect. I think that’s the only thing na I can save, kasi kinakalkal po everyday,” paliwanag niya.

Dagdag ni Alden, nagpapasalamat siya sa mga press people na pinagbibigyan ang kahilingan niyang huwag nang pag-usapan pa ang kaniyang love life.

“‘Huwag niyo na pong tanungin, boring po ang lovelife ko. Doon naman tayo sa ibang bagay,’” pakiusap daw ni Alden sa kanila.

Dahil dito, tinanong din si Alden kung paano niya ipaliliwanag sa taong mahal niya ang desisyon niyang maging pribado, at kung pipiliin ba niya ang career kung sakaling papiliin siya.

“It’s a very difficult question to answer actually. But I always put it in this perspective na sometimes if I’m put in that kind of situation, maybe ‘It’s not yet the right time for this.’”

“I wouldn’t say that my career is always right, but maybe it’s not yet the right time for love para sa akin,” patuloy niya.--FRJ, GMA Integrated News