Inihayag ni Billy Crawford na kung may dapat man siyang bantayan sa mga katunggaling coach sa “The Voice Generations,” ito ay ang Parokya ni Edgar frontman na si Chito Miranda.
Sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Billy na “pinaka-threatened” siya kay Chito.
Sinabi niya ring si Chito ang pinaka-enjoy kausap, competitive, at ito rin ang kaniyang babantayan.
“Siya ‘yung pinaka-experienced sa aming lahat. And you know what, I’ve always been a fan. And ‘yon ‘yung dapat lagi mong kinatatakutan, ‘yung hinahangaan mo,” paliwanag ni Billy.
Para naman kay Tito Boy, malalim at mahirap basahin si Chito, bagay na sinang-ayunan ni Billy.
“What I love about Chito sa totoo lang, he’s a kid at heart. He is super down to earth, he is the walking man of humility, ika nga, but super successful,” dagdag ni Billy.
“I’ve seen him judge. There’s something about him. He knows what he is talking about, he’s very smart, very technical, pero abot,” ayon naman kay Tito Boy.
Kasamang magiging coach nina Billy at Chito sina Asia’s Limitless Star Julie Anne San Jose, at lead singer at choreographer ng P-pop boy group ng SB19 na si Stell.
Nakatakdang pumili sina Chito, Billy, Julie Anne at Stell ng world-class talents mula sa iba’t ibang henerasyon para sumali sa kanilang mga team.
Kapag nabuo na ang kanilang mga team, bawat grupo ng mga talent ay sasalang sa mga knock-out at sing-offs para tanghaling kauna-unahang The Voice Generations champion sa Asya.-- FRJ, GMA Integrated News