Ngayong dalawang-taong-gulang na ang anak nina Billy Crawford at Coleen Garcia na si Amari, sinagot ng TV host ang tanong kung plano na nila itong sundan ng baby number 2.

“It’s very difficult right now at this moment,” sabi ni Billy sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Ayon kay Billy, mahalaga ngayon na nakikita niyang lumalaki ang baby nila ni Coleen na si Amari.

“Because I mean, I’m so happy na rin that he’s (Amari) getting older and he is growing up. He is the cutest. He loves and adores flowers,” saad ni Billy.

Inilahad ni Billy ang namana sa kaniya ni Amari.

“I think rhythm. He loves to dance, he doesn’t have many dance moves yet pero he’s in rhythm every time he moves. Sobrang hilig niya,” anang The Voice Generations coach.

“Pero ‘yung hitsura at talino sa asawa ko lahat,” natatawang dugtong ni Billy.

Dahil nagsimula si Billy sa showbiz bilang child star, tinanong ni Tito Boy ang TV host-actor kung ano ang ipapayo niya kay Amari sakaling magdesisyon ang anak niya na mag-artista.

“Stay humble. Remember everyone and love what you do. I think that’s enough,” ayon kay Billy.

Sa parehong panayam, ikinuwento ni Billy na kinailangang isama ni Coleen sa Amari sa France para masuportahan nila ang kanilang padre de pamilya sa “Dancing with the Stars.”

Nagbunga ang sakripisyo nilang lahat, nang magwagi si Billy sa naturang kompetisyon. --FRJ, GMA Integrated News