Ibinahagi ng Voltes V fanatic na si Michael V. ang bago niyang achievement na maging "bahagi" ng Kapuso hit primetime show na "Voltes V: Legacy"--kahit boses lang.

Sa Instagram post, ibinida ng Kapuso comedy genuis na siya ang boses sa likod ng kaibigang robot ni Little Jon [Raphael Landicho] na si Octo-1.

Ipinakilala sa episode ng "Voltes V: Legacy" nitong Lunes si Octo-1, na tinawag ni Little Jon na ika-anim na miyembro ng Voltes team.

Sa kaniyang IG post, nagpakita ng larawan si Michael V ng eksena ni Jamie Robinson [Ysabel Ortega] at may nakasulat na pangalan niya sa white board bilang si Octo 1.

"Achievement unlocked!," simpleng caption niya sa larawan.

 

 

May hiwalay na post din si Michael V. na kasama si Raphael at screenshot ni Octo-1.

"We're happy to announce na kami na... ang mag-BESTIE sa #VoltesVLegacy!" saad ng aktor.

"Tutok lang sa adventures nina Little Jon at Octo-1 tuwing weeknights! Roger, Roger," he added.

Nagkomento naman si Raphael sa naturang post ni Michael V ng, "Hi Bestie."

 

 

Kilala si Michael V.  na isang avid ng "Voltes V," at may mga koleksyon ng naturang laruan.

 

 

—FRJ, GMA Integrated News