Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong si Kyline Alcantara kung ano ang real status ng relasyon nila ni Mavy Legaspi, at ano ang kasalanan na hindi niya kayang mapatawad sakaling gawin ng aktor.

“Meron bang magagawa si Mavy na hindi mo kayang patawarin?,” tanong ni Tito Boy kay Kyline.

“Alam niya naman po 'yun e, kung ano 'yung magagawa niya na hindi ko siya kayang patawarin at 'yun ay cheating,” sagot ng aktres na kompiyansa na hindi naman gagawin sa kaniya ng aktor.

Sinundan ni Tito Boy ng tanong si Kyline kung na hindi niya kayang bigyan ng second chance si Mavy kung magawa ang naturang kasalanan.

Tugon ni Kyline, "Sa mga napagdaanan ko po Tito Boy, if I give him a second chance, if mag-cheat man siya and I know na hindi naman niya gagawin, ibig sabihin po noon hindi ako natuto sa mga pinagdaanan ko noon, so no.”

Ayon kay Kyline, nililigawan siya ngayon ni Mavy at pareho naman silang hindi nagmamadali.

"Nandoon pa lang po kami sa courting stage and it might be cliche Tito Boy but we really taking things slow," masaya niyang paliwanag.

Nang tanungin kung gaano kamahal ni Kyline si Mavy sa iskor na one to 10, sagot ng aktres, 7.5.

"Bigyan pa po natin ng [kaunting] space," paliwanag niya na inaming si Mavy ang laman ng kaniyang puso kung bubuksan ito ngayon.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Mavy sa "Fast Talk with Boy Abunda," na si "Kyline Alcantara" ang kahulugan sa kaniya ng pag-ibig.

Mapapanood si Kyline at Mavie sa romantic series na "Luv Is: Love at First Read," na nagsimula ngayong Lunes sa GMA sa ganap na 5:40 pm bago ang "24 Oras."—FRJ, GMA Integrated News