Mula sa loob ng malaking kahon, ipinakilala ng "Unang Hirit" ang bago nilang barkada at co-host sa morning show na si Matteo Guidicelli. Ayon sa aktor, nag-set siya ng alam clock ng 3:00 am at sinabi sa kaniyang maybahay na si Sarah Geronimo na maaga siyang matutulog.

"Matteo, kakamustahin namin yung gising mo. Nakatulog ka ba o naninibago ka ba," tanong ni Arnold Clavio.

Natatawang kuwento ni Matteo, "Actually sir, nilagay ko yung alarm ko kanina ng 3. At sabi ko kay Sarah, 9 pm tulog na 'ko pero sa sobrang excited hindi ako nakatulog."

Ayon pa sa aktor, mga dakong 11 pm na siya nakatulog dahil pinanood pa niya ang programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Tinanong din si Matteo kung nagising din si Sarah sa pagbangon niya nang maaga.

"Supportive naman siya. Actually nanonood siya ngayon. Hi love, morning!" pagbati ni Matteo sa kaniyang asawa, na ilang beses niyang ginawa sa programa.

Habang ipinagluluto ni Matteo ng Italian crayfish pasta ang UH barkada, muling nabanggit ng aktor ang kaniyang asawa nang may itanong si Susan Enriquez tungkol sa Italian dish.

"Basta ito ang inspirasyon ko lang para sa asawa. Bahala na 'yung iba basta para sa asawa, basta approved niya," saad niya.

"Ay nanonood pala si Sarah ngayon ah. Love, good morning! Sobrang proud 'yan first day," masayang bati niya muli.

Inimbitahan pa ni Matteo ang UH barkada sa susunod na concert ni Sarah.

"Sa lahat ng nanood kagabi sa concert ni Sarah, maraming-maraming salamat," ani Mateo. "Next show nandun na po kayo ah."

Habang nagbibiruan ang mga host ng show, binati pang muli ni Matteo si Sarah.

"Love, magandang umaga!" sambit ni Matteo, na masayang biniro ni Arnold na, "Pang-lima na 'yan, pang-lima na!"

Sa kaniyang unang pagsalang sa "UH," niregaluhan siya ng mga bago niyang kabarkada: eye mask mula kay Mariz; mga avocado mula kay Susan; mug mula kay Ivan Mayrina; coffee flask at spoon and fork set mula kay Suzi Entrata-Abrera; neck pillow mula kay Shaira Diaz, at dog stuffed toy mula kay Atty. Gaby Concepcion.

—FRJ, GMA Integrated News