Hindi naiwasang maging 'senti' ni Ken Chan kaugnay sa pinagbibidahan niyang pelikula na “Papa Mascot,” na ipapalabas din sa ibang bansa.

“Talagang sinabi ko po na ipalalabas at magpe-premiere ang 'Papa Mascot' sa ibang bansa, gusto ko po nandoon ako, makasama ang OFWs at mga Kapuso namin abroad,” sabi ni Ken sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Miyerkoles.

Ayon kay Ken, nasa cloud nine pa rin siya matapos ang matagumpay na premiere night ng "Papa Mascot," na dinaluhan ng kaniyang pamilya at fans.

Emosyon si Ken nang mapag-usapan ang papel ng itinuturing niyang tatay-tatayan sa showbiz na si Kuya Germs Moreno, kaugnay ng estado niya ngayon bilang artista.

Nagsilbing inspirasyon ni Ken ang kaniyang ama at si Kuya Germs sa pagganap niya bilang isang ama sa “Papa Mascot.”

“Ang tema ng pelikula is about a father and a daughter. Sa pelikula na ito malaking impluwensiya at inspirasyon si tatay sa akin, si Kuya Germs kasi for a long time siya ang naging tatay ko eh,” sabi ni Ken.

“And also my dad, ‘yung biological dad ko,” dagdag niya.

Kasama sa pelikula sina Gabby Eigenmann at direk Louie Ignacio.

Dumalo rin sa premiere night sina Kyline Alcantara, Mark Bautista, Jeric Gonzales, Rabiya Mateo, Ruru Madrid, Bianca Umali at Mavy Legaspi. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News