Inaasahan na ni Kris Bernal na magkakaroon ng mga pagbabago sa kaniyang sarili ngayong malapit na siyang maging mommy.
“I’m embracing talaga the changes in my life, not just physically. Kasi ako fitness fanatic ako, I’m used to having a flat tummy, and then super exercise ako, muscled ako,” sabi ni Kris sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Pero ngayon na-e-embrace ko na okay, ganito ‘yung pagbabago sa katawan ko, ganito ‘yung changes sa lifestyle ko. Kailangan nag-a-adjust na ako para sa baby. Tapos ang isip ko nasa future na ng bata,” pagpapatuloy niya.
Dagdag ni Kris, binawasan na niya ang kaniyang pagiging magastos.
“Alam kong magastos ako, alam ng asawa ko ‘yan. Pero ngayon, ang iniisip ko na ‘yung future ng baby. Nagugulat ako sa sarili ko kasi hindi naman ako ganito,” saad ng aktres.
Handa na aniya si Kris na gampanan ang pagiging isang ina.
“Looking forward din ako sa experience, sa lessons. Lahat bago sa akin. Gusto kong matutunan lahat. Willing akong matutunan lahat sa baby,” sabi ni Kris, na nagpahayag din na gusto niyang babae ang kaniyang maging baby.
Napagtanto ni Kris na ang sakripisyo ng ina ay nagsisimula habang nasa tiyan pa lamang ang baby.
Ayon kay Kris, pinakamahirap na yugto ng kaniyang pagbubuntis ang kaniyang unang trimester, dahil kinailangan niyang mag-bed rest.
Matapos daw manganak, sinabi ni Kris na gusto pa rin niyang magtrabaho.
Mensahe ni Kris sa kaniyang anak: “I’ll try my best to become the best mom that you can ever have. Sana maging proud ka sa akin, kasi ang hirap palang maging ina. Ang daming sacrifices, at saka… surprise rin siya para sa akin kasi gusto ko pang magtrabaho."
Patuloy niya, "Sana maging proud sa akin ang anak ko and sana ma-appreciate niya ‘yung mga sacrifices ng isang ina. Gagawin ko talaga ang best ko mapatunayan ko na I can be the best mama. There’s no such a thing as a perfect mom.” -- FRJ, GMA Integrated News