Isa sa mga matagumpay na Kapuso love team noon ang tambalan nina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Kaya sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ang aktres kung nauwi ba sa totohanan ang relasyon nila ng aktor?
‘Hindi talaga," pag-amin ni Kris. "Love team lang talaga kami.
Sinabi rin ni Kris na "nagparamdam nang kaunti" sa kaniyang si Aljur pero "hindi nag-work as real couple."
"Talagang as a loveteam lang,” sabi pa ng aktres.
Sinabi rin ni Kris, hindi siya interesado, at may mga pagkakataong hindi niya nakakasundo si Aljur.
“I guess feel ko naramdaman niya na rin that time na parang hindi ako interested. At saka may times na hindi kami nagkakasundo eh. Sa totoo lang may times na magkaaway kami pero kailangan as a loveteam sweet-sweetan kami,” natatawang sabi ni Kris.
Sa Fast Talk segment, tinanong din si Kris kung “friends” pa sila ni Aljur.
“Half,” natatawang sagot ng aktres.
“Hindi niya ako nire-reply-an tito Boy eh! Ilang beses ko na siyang niyaya sa vlog ko, hindi niya ako nirereplayan [reply],” birong sumbong ni Kris sa King of Talk.
Sa kaniyang vlog noon, inamin ni Kris na “na-in love” siya kay Aljur pero umiwas siya rito.
"Naging love team kami ni Aljur nung StarStruck pa lang, 17 years old ako nu’n… pero nu’ng nag-work kami, aaminin ko na in love ko sa kaniya… Pero may girlfriend siya," lahad ni Kris.
"Hindi naman ako yung type ng tao na porke't type kita, maninira ako. Never ako nagkaroon ng ganong issue," sabi ni Kris. "Kung mapapansin niyo, wala akong ganong issue pagdating sa mga lalaki."
Ikinasal na si Kris noong 2021 sa negosyanteng si Perry Choi, at magkakaroon na sila ng first baby.--FRJ, GMA Integrated News