Binalikan ni Bianca Umali ang kaniyang humble beginnings bago maging isang matagumpay na artista. Kabilang ang pagdadala ng karton para may maupuan at matulugan at tinitiis ang mahahabang pila sa mga audition at pag-e-extra.

Sa panayam ni Paolo Contis sa online talk show na "Just In," ikinuwento ni Bianca na nagsimula siyang gumawa ng mga commercial sa murang edad na dalawang taong gulang.

"My mom, gusto niyang mag-artista talaga ako," sabi ni Bianca, na inalalang isa sa kaniyang ginawa ang isang commercial para sa isang diaper brand sa edad na dalawa.

Ngunit nang pumanaw ang kaniyang ama noong siya'y 10 taong gulang, nagsimula na siyang maging extra sa TV.

"As in naranasan ko 'yung talagang from scratch. I'm not exaggerating, pero totoo talaga dati na my lola and I, we would commute from Parañaque to north para lang makaabot sa audition," kuwento ni Bianca.

"Imagine the hassle. Bus, jeep, MRT, tricycle. 'Yung auditions pa dati noong mga time na 'yun, 'yung ang literal na mahabang pila sa labas ng GMA," pagpapatuloy niya.

"Isa ako roon. That was how I started."

Inalala pa ni Bianca na wala ring mga pader ang mga standby area para sa mga talent, kaya masuwerte na lamang kung bigyan sila ng open tent.

"And then meron pa akong baon dati na, hindi ako nag-e-exaggerate ah, karton lagi. Kasi bihira ang talents na bigyan ng monoblocs before. So kung saan kayo ipatabi, doon lang kayo. Kung sidewalk man 'yan, diyan kayo uupo," ani Bianca.

"Ako may karton, kasi roon ako matutulog. So kapag umulan, ang hassle kapag nabasa kasi hindi na ako makakaupo or makakatulog," dagdag niya. "That's how I really started."

Hanggang sa makuha na si Bianca na gumanap bilang ang batang si Angelika dela Cruz sa Kaya Kong Abutin ang Langit (2009), na pinakauna niyang pagkakataon na makuha sa isang teleserye.

Nakapasok na rin si Bianca sa Tropang Potchi (2009) matapos mag-extra sa isang commercial ni Direk Louie Ignacio. Ang Magic Palayok (2011) naman ang kauna-unahan niyang series na kasama siya sa main cast.

"Happy din ako na napagdaanan ko ‘yung ganu’n, from nothing. Kasi iba ‘yung appreciation ng for things ngayon eh kapag alam mo ‘yung wala ka." — VBL/FRJ, GMA Integrated News