Sa kabila ng pagiging isa sa mga itinuturing prettiest faces sa showbiz industry, inilahad ni Arra San Agustin na mayroong hindi maganda sa pagiging maganda.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inihayag ni Tito Boy ang paghanga niya sa kagandahan ni Arra.

"Hindi naman ako humahanga bilang isang lalaki," natatawang paliwanag ng King of Talk. "But bilang isang tao at bilang isang manager, bilang isang kaibigan. You're just so pretty."

Sa naturang panayam, tanong ni Tito Boy kay Arra, “Ano ang hindi maganda sa pagiging maganda?” 

“Baka walang laman na puro ganda lang,” sagot ni Arra.

Ayon kay Arra, isa sa "injustice" pagdating sa trabaho ang pagpabor ng ilang kumpanya sa mga magaganda.

“For me parang mayroong ding injustice in a sense na masyadong napapaboran ang mga good-looking. Kapag nag-a-accept ng mga job applicant. Nagtrabaho po kasi ako sa HR for a short time lang for my practicum, kino-consider nila ‘yon. Kailangan maganda ‘yung tao,” kuwento ni Arra.

Para rin kay Arra, nagkakaroon ng insecurity sa mga artista sa tuwing nakikita nila ang mga kapwa nila artista na magaganda rin.

“Pero minsan din kapag alam mong maganda ka, feeling ko na-e-exploit ako lalo kapag sa nandito ka sa industriyang ito, tapos nakikita mong maraming maganda. And nagiging root din siya ng insecurity. Parang mas nagiging competitive ka, masyado mong ikinukumpara ang sarili mo,” paliwanag niya.

Napapanood ngayon si Arra sa Kapuso action-drama fantasy series na “Mga Lihim na Urduja," pagkatapos ng 24 Oras. -- FRJ, GMA Integrated News