Inalmahan ng fans ng ENHYPEN ang paglabag sa privacy at pagiging unprofessional umano ng isang babaeng security officer ng NAIA habang kinakapkapan ang mga miyembro ng K-Pop group.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, mapapanood ang viral video ng airport staff sa security checkpoint sa NAIA na dinaanan ng ENHYPEN bago sila mag-board sa kanilang flight.
Pinuna ng fans ng grupo, o “ENGENE,” ang unprofessional umanong asta ng babaeng airport security sa kaniyang pagkapkap kina Heeseung at Ni-ki, at may pagkakataong tila kinikilig pa ang officer.
Kaya naging trending topics sa Twitter ang #MIAAdoBetter, #NAIA at DO SOMETHING, na patungkol sa ENHYPEN.
Inihayag ng Office for Transportation Security na iimbestigahan nila ang nangyari para maitama, pero tingin nila’y minor lapses ang ginawang body frisking ng babaeng officer.
“As much as possible, male to male ang magco-conduct ng pat down, female to female. But in some areas lalo na sa probinsya, we allow babae to pat down male passengers but not male OTS personnel to pat down female. Pero in Manila International Airport we have enough male personnel to conduct pat down doon sa mga lalaking mga pasahero," sabi ni Undersecretary Ma. O Ranada Aplasca, Administrator ng OTS.
Nauunawaan din ng OTS kung kinilig man ang babaeng officer, pero dapat sana’y tiniis niya ito sa ngalan ng professionalism.
"[P]ati ang pagbababa ng face mask, I think, hindi naman kasama 'yun sa aming ano... In fact, we encourage ‘yung mga tao passing our checkpoint to also wear mask,” ayon pa kay Aplasca.
Para rin sa OTS, hindi malaki ang ginawang pagkakamali ng empleyado para parusahan nang mabigat.
"Titingnan din namin kasi ang mga checkpoints namin normally meron kaming supervisors dyan so dapat kung may mali na nakikita the supervisors should correct it immediately," dagdag ni Aplasca.
Pinuna rin ng fans ang pagkuha ng video at tila paglabag sa privacy ng K-pop group.
Sinita rin ito ng OTS dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng video sa checkpoint area.
"Ang pagkukuhang video in our security check point is not allowed. We consider it as a breach of security, lalo na kung malaman namin baka mamaya 'yung OTS personnel pa ang kumuha ng video. That's against our policy," sabi ni Aplasca.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag o reaksyon ang promoter ng ENHYPEN, na nagdaos ng three-day concert sa Mall of Asia Arena nitong weekend. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News