Patuloy na kumakayod si Dagul sa kabila ng mahigit dalawang taon nang walang regular na trabaho nang lubhang maapektuhan ng pandemya. Kaya ngayong Kapaskuhan, nakatanggap siya ng munting regalo mula sa GMA Integrated News para may pagsaluhan ang kanilang pamilya.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing huminto ang pagdating ng acting assignments kay Dagul nang maapektuhan ng pandemya sa kaniyang karera bilang artista.
Nagtitiis ngayon si Dagul at ang kaniyang pamilya sa kung ano ang kaniyang mapagkakakitaan.
"Ito, survive survive, diskarte. Kahit paano, may kinikita kahit kaunti," sabi ni Dagul.
May tindahan dati sina Dagul na napagkukunan nila ng panggastos, hanggang sa isinara na rin nila ito nang maubos na ang kanilang puhunan.
Pagpapasalamat ni Dagul na magkakahawak pa rin sila ng kamay ng asawa at mga anak sa paglaban sa buhay.
"Ang sabi niya sa akin (misis), ganu'n talaga ang buhay, minsan maganda. Sanay naman kami sa hindi 'yung pamumuhay na mayaman talaga, kasi galing din ako sa mahirap eh," anang komedyante.
May mga kaibigan din si Dagul na hindi nakakalimot na magpadala ng tulong, gaya ng kasama niya sa sitcom noon ng GMA na si Benjie Paras.
Dahil sa kakapusan sa pera, hindi na nakapagplano si Dagul sa noche buena.
Kaya naman sinorpresa si Dagul ng GMA Integrated News ng isang noche buena package, kasama ang GMA Affordabox at GMA Now, at ang regalo ng Kapuso Foundation.
Halos hindi nakapagsalita si Dagul nang matanggap ang munting handog para sa kanilang pamilya.
Dinalahan din ng GMA Integrated News si Dagul ng pagkain para mapagsaluhan nilang mag-anak.
Hiling ni Dagul para sa 2023 na mabigyan siyang muli ng pagkakataong umarte sa harap ng camera para maitaguyod ang pamilya, dahil dalawang anak niya ang hindi pa tapos sa pag-aaral. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News