Inihayag ni Dennis Trillo na inaasahan ang pagtawid ng kuwento mula sa Noli Me Tangere patungo sa ikalawang aklat na El Filibusterismo sa "Maria Clara at Ibarra."

"Kailangan nilang abangan kung paano magta-transition itong kuwento ng Noli into doon sa pangalawang aklat naman na El Filibusterismo, at sinong characters 'yung mga mapupunta roon sa Book 2, at kung paano makaaapekto 'yung experiences nila doon sa Noli pagdating nila sa El Fili," sabi ni Dennis sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Miyerkoles.

Sunod-sunod ang taping ng Maria Clara at Ibarra, at may ilang araw lang na pahinga ang cast para makapagdiwang ng Pasko.

Itinuturing ni Dennis na hindi pangkaraniwang proyekto ang role niya bilang si Crisostomo Ibarra sa hit portal fantasy series.

Ipinapakita ng kaniyang karakter ang magiting na kaisipan ng pambansang bayani na si Jose Rizal, kaya magiging mas makabuluhan para kay Dennis ang paggunita ng ika-126 na anibersaryo ng kamatayan ni Rizal sa Disyembre 30.

"Na-appreciate natin 'yung kahalagahan ni Rizal, kung anong klaseng tao ba 'yung kailangan natin ngayon, isang katulad ni Rizal. Ganoon ka-forward mag-isip, ganu'n kalalim 'yung pagmamahal sa pamilya lalong lalo na sa bayan," sabi ni Dennis. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News