Nagdiriwang ng kanilang ikalimang taong anibersaryo bilang magkarelasyon sina Barbie Forteza at Jak Roberto.  Sino kaya sa kanila ang mas madalas magselos at ito kaya ang pinakamatindi nilang pinag-awayan?

Sa podcast na Updated with Nelson Canlas, nakapanayam sina Jak at Barbie, at natanong kung sino sa kanila ang mas madalas magselos, at kung ito na ang pinakamatindi nilang pinag-awayan.

"Medyo, oo," pag-amin ni Barbie sa kaniyang pagiging selosa. "Pero parang hindi iyon, so far hindi pa naman namin nagiging issue 'yon nang malala. Subtle ako kung magalit."

"Hindi pa galit na galit, pero galit na malalim. Hindi nagra-rant, hindi sumisigaw pero may laman lahat ng sinasabi," paglalarawan naman ni Jak tungkol sa kung paano magalit ang kaniyang nobya.

Para kay Barbie, mas kumportable siyang inilalahad ang kaniyang galit sa pamamagitan ng text.

"Hindi ako 'yung confrontational type of girlfriend. 'Yung style ko ng pagpapagalit o explain sa kaniya, through text para mas malinaw, mas detalyado, mas kalmado. Hindi ko kayang makipag-confront sa kaniya na kaharap," sabi ng Kapuso actress.

Kaya naman kapag nag-aaway, nananahimik lang si Barbie.

Si Jak naman ang nagkaroon ng pagkakataon na sumagot kung seloso ba siya.

"Dati, medyo eh. Alam ko sa sarili ko naging seloso ako, lalo kapag hindi ako secured doon sa partner ko. Pero simula noong naging girlfriend ko si Barbs, parang hindi ko na matandaan kung kelan ako huling nagselos," sabi ni Jak.

Ipinagdiwang nina Barbie at Jak ang kanilang ikalimang taong anibersaryo sa isang bakasyon sa Bohol nitong Mayo.-- FRJ, GMA Integrated News