Inihayag ni Jasmine Curtis-Smith na hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng pressure sa tuwing ikinukumpara siya sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Anne Curtis.
Isa si Jasmine sa guest choices sa Bawal Judgmental segment ng “Eat Bulaga” nitong Lunes, na tungkol sa mga artistang may foreign blood at nadiskubre sa mga commercial.
"Minsan mararamdaman ko pa rin 'yon. Pero sa tingin ko kasi mas nangunguna pa rin 'yung relasyon namin bilang mag-ate, magkapatid, so hindi [ko] 'yun hahayaan na mangunang pakiramdam or hindi [ko] didibdibin," sabi ni Jasm ine.
Katunayan, proud si Jasmine na nakapag-concert ang kaniyang ate.
"Yes! I'm proud!" sabi ng Kapuso actress.
Sina Jasmine at Anne ay may dugong foreigner, dahil Australyano ang kanilang ama.
Ikinuwento ni Jasmine na sa Pilipinas siya nag-grade school habang sa Australia nag-grade school si Anne, kaya mas marunong siyang mag-Tagalog.
"'Yung sa utak, natural ba, or hindi siya kasing-slang or bulol," sabi ni Jasmine.
Dahil dito, biniro siya ng Dabarkads kung ipinahihiwatig niyang may pagka-slang ang kaniyang ate.
"Oy hindi ah! Kayo nagsabi no'n ah! Sinabi ko lang hindi ako bulol," birong tugon ni Jasmine.
"Pero nagagamit niya naman. Actually maganda, nagiging kwela sa kaniya," sabi ni Jose Manalo tungkol kay Anne, na napakinabangan ang pagiging slang nito. — VBL, GMA Integrated News