Binalikan ni Yasser Marta ang kaniyang maagang pagsisimula sa showbiz, nang madiskubre siya sa isang mall noong 10-anyos pa lamang siya hanggang sa mapanood sa mga commercial.
Isa si Yasser sa guest choices sa Bawal Judgmental segment ng “Eat Bulaga” nitong Lunes, na tungkol sa mga artistang may foreign blood at nadiskubre sa mga commercial.
"Noong mga 10 years old ako, doon ako nagsimulang mag-commercial. Nakita ako sa isang mall, tapos nilapitan ako. Tapos ayun, pinag-audition na ako sa mga VTR," kuwento ni Yasser.
Sinubukan ni Yasser ang pag-aartista, hanggang sa mapamahal na rin siya rito.
"Noong una ine-enjoy ko lang eh, nakakakita ako ng mga, siyempre ibang magaganda na 'Uy parang masaya ito.' Pero habang tumatagal, minahal ko na rin talaga 'yung..." sabi ni Yasser.
"Magaganda?" biro sa kaniya ni Jose Manalo.
"Isa na rin 'yun!" pabirong sagot ni Yasser. "Pero 'yung pag-arte sa camera, kaya nagustuhan ko na rin, kaya nagtuloy-tuloy na rin."
Portuguese ang ama ni Yasser, pero nananatili sa Saudi Arabia.
Ayon naman kay Yasser, hindi kalamangan sa showbiz ang pagkakaroon ng foreign blood, kundi pinipili ang mga artista base sa kung babagay sila sa role.
"Para sa akin ha, hindi naman din talaga eh. Kasi lahat kayo du'n parang puro may lahi eh. So kung ano rin talaga 'yung nagfi-fit sa role, tsaka kung mapakita mo parang magaling ka, 'yun ang edge mo," anang Kapuso actor.
Inihayag din ni Yasser na minsan din siyang nag-alangan na magtagal sa showbiz.
"Basta ako tuloy-tuloy lang. Sa una rin, kasi iisipin mo kung pangmatagalan itong ganitong trabaho, walang kasiguraduhan. Pero habang tumatagal nakikita ko naman 'yung progress. Sa awa ng Diyos maganda naman ang nangyayari, kaya tinuloy-tuloy ko na rin."
Masaya si Yasser sa suportang ipinapakita sa kaniya ng ama sa kaniyang showbiz career.
"Nagme-message naman sa akin palagi, nagbi-video call kami, 'yun na lang ang pag-uusap namin. Proud siya, laging share nang share," sabi niya. — VBL, GMA Integrated News