Inihayag ni Thia Thomalla na nag-alangan siya noon na mag-artista, hanggang sa maging bahagi siya ng hit series na "First Yaya" at magustuhan kalaunan ang acting.
Sa Bawal Judgmental segment ng “Eat Bulaga” nitong Lunes, isa si Thia sa guest choices tungkol sa mga artistang may foreign blood.
"Pinapa-audition ako sa GMA, so doon nag-start 'yung opportunities ko. Actually never akong nag-plan mag-artista but it just came," sabi ni Thia.
Diretsahan siyang tinanong ni Dabarkads Jose Manalo kung pinagsisisihan niya ang kaniyang desisyon.
"Hindi naman! Walang gano'n, pero na-enjoy ko naman 'yung path," saad ng Miss Eco International 2018.
"Nakakatakot kasi at first. Siyempre kasi at first mahiyain ako, I don't speak to other people much, so medyo nahihiya ako to interact sa co-actors," pag-amin ni Thia.
Matatandaang nagwagi si Thia bilang Miss Eco Philippines noong 2017, at nakuha niya ang korona bilang Miss Eco International noong Abril 2018.
Ilang buwan matapos nito, pumirma na rin siya ng co-management contract sa GMA Network.
Isinilang si Thia sa Germany. Aleman ang kaniyang tatay at Pinay ang kaniyang nanay na mula sa Southern Leyte.
"I was part of First Yaya and First Lady in the past two years, so na-enjoy ko na 'yung pagiging artista," sabi ni Thia. — VBL, GMA Integrated News