Sa edad 56, inihayag ni Sharon Cuneta na kinokonsidera na niya ang pagreretiro.
Sa kaniyang Instagram, nag-post ang Megastar ng bahagi ng libro ng author na si Joanna Gaines na "The Stories We Tell," na tinalakay ng may-akda na halos nangangalahati na siya sa kaniyang buhay at nakararamdam ng pagod.
Ayon sa may-akda ng libro, hindi na niya mapanatili ang pagiging produktibo at episyente hindi tulad noong mga nagdaang taon.
Naka-relate raw dito si Sharon.
"This part really resonated with me because, well, I am 56 now - and I am just undeniably EXHAUSTED. Retirement is calling," saad ng Megastar.
"Once in a while I can pop up in a movie or two, a concert, or a TV show, even a season or a series if it’s not too tiring. But I AM tired..." dagdag niya.
Hiling ni Sharon na makapiling pa niya ang kaniyang pamilya, at magawa pa ang mga bagay na ginagawa niya dati ngunit wala nang oras na mapaglaanan.
"All I wish I could do is be with my family and take care of them. And do all those other things I always wish I could do but just couldn’t find the time for. Please pray with me. Thank you so much and I love you all."
Sa kaniyang showbiz career, nakilala si Sharon bilang aktres, TV host, at singer.
Sumikat siya sa mga pelikulang “Bituing Walang Ningning,” “Dapat Ka Bang Mahalin?” at “Una Kang Naging Akin.” --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News