Nagkatotoo kamakailan ang pangarap ni Herlene Nicole "Hipon Girl" Budol matapos siyang magkaroon ng malaki at nagliliwanag na 3D LED billboard sa EDSA, na kauna-unahan din sa bansa. Anong teknolohiya nga ba ang ginagamit sa mga 3D LED billboard at ano ang pinagkaiba nito sa pangkaraniwang billboard?
Sa Good News, itinampok ang vlog ni Herlene na hindi maitago ang kasiyahan nang makita ang sarili sa malaking billboard.
"Sobrang saya ko talaga. Super duper, duper, duper, duper, maraming, maraming saya. Expect the unexpected talaga, hindi ko akalain na magkakaroon ako ng billboard, LED 'yung gumagalaw na billboard. Tapos makikita mo nagha-hi ako sa inyo," sabi ng Binibining Pilipinas 1st Runner Up.
Kaya naman sa kaniyang vlog, hindi na rin naiwasan ni Herlene na humilata sa kalsada sa saya.
Ang 3D technology ay gumagawa ng isang hyper-realistic, larger than life three-dimensional visual ng kahit na anong imahe.
Isang malaking digital billboard din ang nagpahanga sa publiko noong nakaraang linggo sa One Bonifacio High Street sa BGC.
May sukat ang digital billboard na 400 square meters.
Bersyon ito ng Pilipinas ng mga sikat na iconic big screen sa Times Square, New York City at Shibuya Crossing sa Japan,
Tinatampok ng billboard ang teknolohiyang "anamorphosis," na latest sa graphic design at visual arts, na pinagsasama ang LED screen at distortion perspective art gamit ang Advance Display Technology at sharp pixels para maging makatotohanan.—Jamil Santos/LDF, GMA News