Inihayag ni Yasmien Kurdi na labis siyang siyahan nang malaman na kasama siya sa Philippine adaptation ng hit Korean series na "Start-Up." May natuklasan din siya tungkol kay Alden Richards na ikinatuwa niya.
Sa panayam ng "At Home with GMA Regional TV," aminado si Yasmien na K-drama 'addict' siya kahit noong wala pang COVID-19 pandemic.
Isa raw sa paborito niyang Korean series ang "Start-Up," kaya alam niya kung sino ang karakter na ibinigay sa kaniya na si Seo In-jae/Won In-jae (o Katrina Diaz sa 'Start Up PH').
"Before pa talaga ako mahilig manood ng K-drama. Actually K-drama addict talaga ako. Pre-pandemic pa ginagawa ko na 'yan," sabi ng aktres.
"Usually before nagbi-binge watching ako by myself lalo na kapag nasa work ako, wala akong magawa nanonood ako ng mga K-drama. Pero nung pandemic si pangga [husband] walang choice kundi kailangan niyang siya nagbi-binge ako yung nagwa-watch nung time ng pandemic," natatawang kuwento ni Yasmien.
Ayon kay Yasmien, pinapanood niya ang Korean version ng Start Up, at isa ito sa mga paborito niyang Korean series.
"Kaya nung inoffer sa yung show alam ko yung character ko...talagang kinuha ko siya," sabi pa ni Yasmien.
Inihayag din ni Yasmien na first time niyang makakatatrabaho sa serye sina Alden Richards, Jeric Gonzales at Bea Alonzo.
Nagulat umano umano siya nang malaman niyang masayahin at bubbly sa set si Alden, na unang inakala niyang seryoso kapag nakikita niya sa mga interview.
"Yung impression ko sa kaniya before parang masyado siyang serious sa mga interviews. Pero actually kapag naka-work mo siya sobrang kuwela pala niyang tao. Siya yung nagpapa-lighten up nung set, siya yung magalaw sa set. So hindi ko ini-expect kay Alden na ganun siya ka-bubbly," kuwento ng aktres. --FRJ, GMA News