Pumanaw na sa edad na 52 ang director at veteran comedian na si Phillip Lazaro.
Kinumpirma ni Chico Lazaro Alinell ang pagpanaw ng kaniyang tiyuhin na si Phillip sa GMA News Online nitong Lunes.
Ani Chico, multiple organ failure ang dahilan ng pagpanaw ni Phillip dakong 8:30 a.m. nitong Lunes.
“I never saw Tito Phi breathing again. Seeing him so helpless was my last memory of him and it breaks me apart,” sabi ni Chico sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Dagdag pa ni Chico, binisita niya si Phillip sa flat nito noong Linggo at napansin niyang hirap itong huminga.
“From that moment, I kissed his forehead and said my goodbye, told him to always pray, and how much I love him,” patuloy niya.
Ayon kay Maxine Alinell, kapatid ni Chico, maglalabas sila ng detalye sa magiging burol ng kanilang tito.
Ipinaabot din nila ang pasasalamat ng pamilya sa pagmamahal at pakikiramay mula sa mga kaibigan at katrabaho ni Phillip.
Sa 2017 episode ng “Tunay na Buhay,” inihayag ni Phillip ang pangarap niya noon na maging pari at abogado noong bata pa siya.
“Religious kasi kami, unang-una. Mom ko, sobrang religious. Lagi kaming nasa church. And then my dad is an architect slash engineer. Matalino, very articulate. I want to be like him,” sabi ni Phillip.
Nagsimula si Phillip bilang stand-up comedian sa comedy bar na The Library sa Maynila. Kinalaunan ay pinasok na niya ang pag-arte at naging direktor.
Ilang sa mga proyektong ginawa niya ang “Villa Quintana” at “Anna Karenina.” Siya naman ang nagdirek ng “Full House Tonight,” “Widow’s Web,” “Prima Donnas,” at “Nagbabagang Luha,” at iba pa.—FRJ, GMA News