Masaya si Andrea Torres na naipakita niya sa Argentinian cast at production team ng international film na "Pasional" ang ganda ng Pilipinas at naipatikim ang mga ipinagmamalaking pagkaing Pinoy.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nasa Manila na ulit si Andrea kasama ang cast at production team ng nasabing pelikula matapos mag-shoot sa Caramoan Island at sa Coron, Palawan.
Makikita sa tanned skin ni Andrea na nakapagbabad sa beach ang aktres, bagay na matagal niyang na-miss gawin.
Doon na rin ipinagdiwang ni Andrea ang kaniyang kaarawan, kung saan sinorpresa siya ng mga kasamahan niya sa pelikula.
Sinabi ng director at assistant director ng pelikula na humanga sila sa husay ng mga talento ng Pinoy, pati na rin sa ganda ng Pilipinas.
"The best part of it is your talents are amazing. Andrea also, Miguel who is a Filipino-Spanish actor, they perform really well, along with Marcelo, our star from Argentina. He thinks that's gonna be a very, very good film," sabi ng assistant director na si Nicolas Cacciavillani.
Dahil dito, kasalukuyang iniisip ng mga producer at director of photography ng Pasional na gumawa pa ng bagong pelikulang magtatampok sa Pilipinas.
Ang pelikulang Pasional ay kuwento tungkol sa isang May-December love affair kung saan gumaganap din si Andrea bilang isang tango dancer.
Collaboration ito ng Argentinian production na Malevo Films, GMA Network, Maxione Production, Stagecraft International at Signature Films.
Ipalalabas ang pelikula sa Pilipinas, Argentina, at iba pang bansa.
Katambal ni Andrea ang Argentinian actor na si Marcelo Melingo, na tinuruan si Andrea ng pagsasalita ng Espanyol.
"May connection kami agad-agad eh, so doon ako very grateful kasi at least hindi na kailangan trabahuhin masyado. Tapos tinuturan niya ako mag-Spanish. Very strict siya magturo, kailangan talaga tama 'yung pronounciation," sabi ni Andrea.
Hindi naman pinalampas ni Andrea na turuan si Marcelo ng ilang salitang Pilipino.
"'Maraming salamat po!' 'Ang ganda mo' 'Maraming salamat, Kapuso!'" sabi ni Marcelo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News