Hindi napigilan ni AiAi Delas Alas na maging emosyonal at maluha nang mapag-usapan ang kaniyang tunay na ina.
Sa video ng Kapuso Showbiz News, inihayag ng aktres ang kaniyang panghihinayang na hindi niya nakasama nang matagal ang kaniyang ina.
Lumaki si AiAi sa pangangalaga ng kaniyang tiyahin. May pagkakataon umano na nasasaktan siya nito at iniisip niya na baka iba ang sitwasyon kung nasa pangangalaga siya ng kaniyang biological mom.
"Kasi minsan napapagalitan ako ng adoptive na nanay ko, 'tapos kunwari, pinapalo niya ako, naiisip ko na siguro kapag nandun ako sa nanay ko, hindi niya ako papaluin," saad ng aktres.
"Siguro pagtitiyagaan niya ako. Siguro kahit nakakainis na 'yung ginagawa ko, hindi niya ako papaluin kasi sobrang mabait 'yung nanay ko. As in sobra, sobra, sobrang mabait siya," patuloy niya.
Kuwento ni AiAi, humingi ng pang-unawa ang kaniyang ina sa ginawang pagpapaampon sa kaniya sa kanilang kaanak.
Nauunawaan naman daw ni AiAi ang sitwasyon dahil marahil ay iyon din ang gusto ng kaniyang ama, at hindi rin mahindian ang kahilingan ng kaniyang adoptive mom.
"Naaalala ko kapag nagso-sorry siya sa akin na pinamigay niya ako. I think, hindi rin naman niya gusto 'yon, pero desisyon ng tatay ko na ipamigay ako kasi nahihiya sila sa auntie ko," kuwento niya.
"Parang... 'Kapag babae 'yan, ate, akin na lang, ha.' So, um-oo ang nanay ko. Siguro nahiya na lang siya na hindi niya tuparin 'yung oo niya. Pero nagkasakit kasi 'yung nanay ko ng three months noong kinuha ako as a baby," sabi pa ni AiAi.
Taong 2013 nang pumanaw ang biological mother ni AiAi na nagkaroon ng Alzheimer's Disease.
"Nanghihinayang ako na sana nakasama ko siya noong wala pa siyang Alzheimer's para at least, maramdaman niya na kahit ipinamigay niya ako, mahal na mahal ko siya. Kasi siya 'yung nagbigay ng buhay sa akin," naluluhang sabi ni AiAi.
"Ngayon, kapag naiisip ko 'yon, na sana nakasama ko siya para maramdaman niya na okay lang kahit pinamigay niya ako, mahal na mahal ko pa rin siya," sabi pa ng aktres. -- FRJ, GMA News